About LEARN
Statements

Labanan ang ugat ng kahirapan!
Isulong ang Sosyalismo ng Sambayanan!

ALLIANCE OF PROGRESSIVE LABOR
APL (Philippines)

Mayo Uno. Ito ang dakilang araw ng mga manggagawa!
Bawat taon, tuwing araw na ito, ay naglalaan tayo ng
panahon upang kilalanin ang ating kahalagahan
at ipagdiwang ang ating kadakilaan hindi lamang sa
ating bansa kundi sa buong mundo!

Inaalala natin ang mga nauna sa ating mga manggagawa
na nag-alay ng buhay at nagtigis ng dugo upang
matamasa natin ang karapatan sa pag-oorganisa o
pagtatayo ng unyon at iba pang karapatan sa paggawa.
Alalahanin natin na unyon ng mga manggagawa ang naging
dahilan para ating makamit ang mas mataas
na sahod, maayos na kalagayan sa paggawa, pagkilala sa
karapatan ng kababaihan, atbp. na hindi kailanman
kusang ipagkakaloob ng mga kapitalista
kung hindi natin ipinaglaban.

Higit dito, ipinapaalala sa atin ng araw na ito na
hindi pa tapos ang laban at kailangang ipagpatuloy
natin ang dakilang tradisyon ng pakikibaka. Ito'y
kung nais nating depensahan ang ating mga unyon at mga
napagtagumpayan hanggang ang istruktura ng lipunang
umiiral ay ating mabago at lubusan nang
maglingkod sa interes ng mahihirap at inaapi.

Pinagmulan NG MAYO UNO. Naunang itinakda ang pagkilala
sa Mayo Uno bilang Araw ng Manggagawa matapos simulan
sa araw na ito noong 1886 sa Haymarket Square,
Chicago, sa Estados Unidos ang paglabas sa kalsada ng
daan-libong manggagawa upang ipaglaban ang walong oras
na trabaho bawat araw. Marahas na binuwag ng mga pulis
ang protesta na ikinasawi ng ilang manggagawa.
Umalingawngaw sa buong daigdig ang pangyayaring ito at
itinakda noong 1889 ng "Second International," isang
organisasyon na binubuo ng iba't-ibang
samahan ng mga manggagawa mula sa iba't-ibang panig ng
daigdig at nagsusulong ng Sosyalismo, ang Mayo Uno
bilang Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Ipinaglaban ng
bawat isa ang Mayo Uno sa kani-kanilang bansa.

Sa Pilipinas, naganap ang unang paglaban sa Mayo Uno
noong 1902 nang magmartsa ang higit 100,000
manggagawa, mga kalalakihan at kababaihan, para igiit
ang mas mataas na sahod, walong oras na paggawa,
kalayaan mula sa pananakop ng Estados Unidos, at
pagtatakda sa Mayo Uno bilang Araw ng Paggawa.
Tagumpay ang pagkilos na ito ng ating mga ninuno at
simula noon ay
naging taunang selebrasyon na ang Mayo Uno sa ating
bansa.

KASALUKUYANG YUGTO. Mahigit isang daan taon ang
nakalipas simula nang unang maipagwagi ng manggagawang
Pilipino ang Mayo Uno. Subalit alam nating
patuloy na naghahari ang mga kapitalista at iilang
mayayaman sa ating lipunan at hindi sila tumigil na
papaghinain ang ating pagkakaisa sa pamamagitan ng
pagdurog sa ating mga unyon at bawiin ang ating mga
napagtagumpayan.

Pagbawi ng tagumpay. Ngayon, sa panahon ni Arroyo,
mula sa pagbawi ng DOLE Order (DO) 40; pagpapatupad ng
'compressed-work week'; paglipat ng mga
'holidays' kapag ang orihinal na holiday ay natatapat
sa Huwebes at/o Martes; malawakang pagpapatupad ng
kontrakwalisasyon; pagtatangkang ipasa sa
Kongreso ang mga panukalang batas sa 'anti-terorismo'
na magbabasura sa ating mga karapatan sa paggawa tulad
ng pag-uunyon; at ang bagong kautusan
ni GMA para sa 'National ID System,' atbp., lahat ng
mga ito'y patunay na hindi tumitigil ang gobyerno sa
pagbawi ng ating mga tagumpay.

Patuloy na lumalala ang kahirapan. Ayon sa gobyerno,
nitong nakaraang taon, "lumago" ng 6.1% ang ating
ekonomiya. Subalit ito din ang panahon sa loob ng
20 taon, kung saan pumailanglang ang kawalan ng
trabaho sa 12%. Ang tanong, sino ang nakinabang sa
kaunlarang ito? Siguradong hindi ang milyon-milyong
manggagawa at mga pamilya nito dahil madaming mga
kompanya ang nagsasara bunga ng kawalan ng pantay na
kompetisyon; pribatisasyon ng mga pampublikong
pasilidad ng gobyerno tulad ng sa kuryente at tubig;
at kontraktwalisasyon.
Nagbubunga ito ng matindi at malawakang disempleyo at
hindi pagiging regular sa trabaho ng daan-daang libong
manggagawa.

Ang ating sahod ay patuloy na binabawi, bumababa ang
halaga at hindi dinadagdagan. Dito sa Kamaynilaan,
kahit sinasabing P300 na ang minimum wage, ito'y P250
lang talaga dahil ang dagdag na P20 noong isang taon
ay sa P30 na Living Allowance ipinataw. Kaya, wala
talagang pagtaas sa sahod na naganap. Itapat pa ito sa
P600 na arawang pangangailangan ngayon ng isang
pamilyang may anim na miyembro dito sa NCR para
mabuhay ng disente. Kaya't malayong-malayo ang P600 sa
P250 - o P300 - na minimum wage.

Ibayong krisis lang ang idinulot ng mga palpak na
programa ng gobyerno tulad ng pribatisasyon kung saan
ginagawang gatasan ng tubo ng mga kapitalista ang
pampublikong pasilidad ng kuryente at tubig;
deregulasyon sa industriya ng langis kaya walang
kontrol at maya't-maya ay tumataas ang presyo ng
langis; at ang nakaambang pagpataw ng pinalawak na
Value Added Tax sa langis at kuryente na may malalang
epekto sa pesyo ng mga batayang bilihin.

Hindi pa kasama dito ang edukasyon at kalusugan. Hindi
na nga natutugunan ng gobyerno ang batayang
pangangailangan ng mamamayan sa panlipunang serbisyo
tulad ng edukasyon, kalusugan, pabahay, atbp.
magbabayad pa ito ng higit sa P600 bilyong utang
panlabas ngayong taon; habang bilyong piso ang
ginagastos nito para sa digmaan sa Mindanao at ibang
bahagi ng bansa na hindi naman mabigyang solusyon
dahil ang puno't dulo ng problema ay kahirapan,
kawalan
ng katarungan at pagpapalayas ng mga naninirahan sa
mga lugar kung saan papasok ang dayuhang puhunan tulad
sa mayayamang lupain ng Mindanao.

Tuloy ang laban. Lahat ng nagaganap ay patunay na
lumalala ang krisis ng kapitalismo. Dapat na nating
alisin ang ilusyong maghahatid ng kaunlaran ang
globalisasyon na ipinatutupad sa pamamagitan ng World
Trade Organization at walang alinlangang sinasamba ng
gobyernong Arroyo.

Dahil sa hindi maampat na krisis sa lipunan, patuloy
na bumabagsak ang popularidad ni Gloria Arroyo para
mapamunuan ang gobyerno. Tumitindi ang diskuntento o
kawalan ng pag-asa ng mamamayan na magkakaroon pa ng
paborableng pagbabago sa ilalim ng kanyang
panunungkulan. Sa kabilang banda, nagmamaniobrahan ang
iba't-ibang grupo at partidong pulitikal ng mga
tradisyunal na pulitiko para makaungos sa nagaganap na
krisis habang ginagawa ng gobyerno ang lahat para
manatili si GMA sa pwesto.

Hindi dapat na mahatak ang mga manggagawa sa ganitong
labanan. Wala tayong mapapala sa ganitong labanan
dahil batid nating gagamitin lamang tayo ng mga
trapo upang mapanatili sila sa pwesto. Manatili man o
hindi si GMA pero kung galing pa din sa naghaharing
uri ang papalit at hindi mababago ang istruktura ng
sistemang umiiral, wala din tayong aasahang tunay na
pagbabago na makakamit.

Dalhin natin ang labanan sa tunay na isyu ng mga
manggagawa: regular at permanenteng trabaho para sa
lahat, makatarungang pasahod, at mga karapatan
sa paggawa. Ang mga ito ang kailangan nating
pagsumikapang ipaglaban at maipagwagi.

Kaya tuloy ang laban! 'Wag tayong palinlang sa mga
sinasabi ng mga trapo na may solusyon pa sa
kasalukuyang sistema. Igiit natin ang ating mga naisin
at adhikain para sa isang lipunan na kung saan ang
pinaghirapan at pinagpaguran ng mamamayan ay
mapakikinabangana ng lahat ng lumilikha nito. Ito ang
lipunang sosyalismo. At walang ibang gagawa at
magtatatag ng lipunang ito kundi ang uring manggagawa.


Kaya sumulong tayo para sa kaganapan ng simulain ng
mga manggagawang unang nakipaglaban para sa Mayo Uno.
Isulong ang Sosyalismo ng sambayanang Pilipino.
Mabuhay ang uring manggagawa!

PAST STATEMENTS

Labor and fiscal crises pose double whammy on labor